top of page
  • Grey Facebook Icon
  • Grey Twitter Icon
  • Grey YouTube Icon
  • Grey Instagram Icon

         Ang nayon ng Unamuno ay isang malayo at liblib na lugar kung saan tahimik na namumuhay ang mga naninirahan dito. Ang nayon na ito ay malapit sa isang kagubatan na pinamumugaran ng maraming misteryo. Kabilang sa mga misteryong ito ay ang kwebang minsan naroon, minsan nama’y wala, malakas na halakhak na di alam kung saan nanggagaling at mga bagay na wala naman ngunit bigla na lang lumilitaw.

     Isang di maiiwasang pangyayari ang naganap sa nayon ng Unamuno, dumating ang isang malakas na lindol. Isang bata ang napadpad  sa misteryosong kagubatan, ang batang ito ay nagngangalang Ron-ron. Si Ron-ron ay nakarinig ng malakas na halakhak at ito’y kanyang sinundan. Natagpuan niya ang isang malahiganteng nilalang na ngayon niya lang nasilayan at inalok siya nito ng masisilungan. Sa kweba ng higante siya panandaliang nanatili at sa sandaling oras na iyon sila’y naging magkaibigan.

         Ang higanteng nilalang ay sadyang kinagiliwan ni Ron-ron kung kaya’t ito’y kanyang binalik-balikan. Napansin ng mga ka-nayon ni Ron-ron ang kanyang madalas na pagpunta sa kagubatan at ito ay nagdulot sa kanila ng pagkabahala. Si Ron-ron ay pinagbawalang bumalik sa kagubatan ng kanyang ina dahil sa labis nitong pag-aalala na may mangyaring masama sa kanya. Ang pangyayaring ito ay nagdulot ng lubos na kalungkutan kay Ron-ron. Ang malahiganteng nilalang ay naghintay sa pagbalik ng kanyang kaibigan sapagkat ilang araw na ang lumilipas na siya ay di na nito nadadalaw.

     Minsang tumakas si Ron-ron sa kaniyang mga magulang at inaya ang malahiganteng kaibigan na magpakita’t magpakilala na sa lahat. Subalit ang bawat isa’y di naging kaaya-aya ang pagsalubong sa kanyang kaibigan. Kinatakutan nilang lahat ito at ikinalungkot naman niya kung kaya’t kumaripas ng takbo ang higante na umiiyak.

 

         Makalipas ang ilang araw, ang mga mamamayan ng Unamuno ay nabalot ng takot dahil sa daluyong-bagyo na paparating. Ito ay napansin ng malahiganteng nilalang kaya’t agad siya kumuha ng malalaking bato upang harangin ang mga malalakas na alon, ginamit niya rin ang kanyang katawan bilang pangharang. Siya at ang mga malalaking bato ang nagsilbing proteksyon ng nayon ng Unamuno. Nasaksihan ito ng mga mamamayan at sadya nilang kinagulat ang itsura at kinilos ng malahiganteng nilalang. Nang matapos ang unos ang mga mamamayan ng Unamuno ay namulat sa pagkakakilanlan ng malahiganteng nilalang. Muling nagtagpo si Ron-ron at ang malahiganteng nilalang at ang kasiyahan ay muling nasilayan sa kanyang mukha. Dahil sa noon pa man, ay may kuro- kuro nang may higanteng nilalang sa nayon. Marami na silang natuklasang malalaking bakas ng paa sa paligid pagkatapos ng misteryong pangyayari. Kanila itong napatunayan nang makita ang malahiganteng nilalang na isa palang Bungisngis. Simula noon ang misteryosong kagubatan ay hindi na kinatakutan at ang mga misteryo ng kagubatan ay nagkaroon na ng kasagutan.

      Bagama’t di naging maganda ang pagsalubong ng mga taga-nayon kay bungisngis, sa kabila ng lahat. Di siya nagdalawang isip na muling tumulong. Naisip ng mga mamamayan ng Unamono  na kinailangan nila si bungisngis matapos ang pangyayari, at kinailangan din sila nito dahil  nakahanap si bungisngis ng pamilya sa kanila.  Dahil ang tunay na may busilak na kalooban ay patuloy na gumagawa ng kabutihan ng walang kapalit, isang karagdagan at karangalan na lang para sa kanya ang magkaroon ng bagong  pamilya, At ang lahat ng iyon ay nasaksihan ng magkaibigang sina Ron- ron at bungisngis.

PIKO Creative Studio

MALING AKALA

Ang Misteryo ng Unamuno

bottom of page